RSS

Ang Pagbabalik Ng Palarong Pinoy Sa Sambayanang Pilipino

05 Oct

Palarong Pinoy. Ang Mga Laro Ng Lahi. – Ang Pagbabalik Ng Palarong Pinoy Sa Sambayanang Pilipino.

Muling nabuhay ang laro ng Lahi sa mga pamayanan sa Pilipinas nang inilunsad ng Magna Kultura Foundation ang Larong Pinoy sa mga barangay. Hindi lamang mga palaro ang isinagawa ng Magna Kultura, kungdi nagtatag pa ng isang “Sports Clinic” ma kung saan may mga instructors na nagtuturo ng ‘siyentipikong’ proseso sa paglalaro.

Sa panahon ng ‘high tech’ at modernong laruan, ipinakilala sa bagong kabataan ang mga laro gaya ng Patintero, Tumbang Preso, Piko, Luksong Tinik, Holen, Sipa, Siyato, at iba pang mga larong katutubo. Ito ang Larong Pinoy — ang laro ng ating lahi.

Ginawang siyentipikong ‘Sports Clinic’ ang mga pagsasanay sa Larong Pinoy
Kakaiba ang sistemang isinasagawa ng Magna Kulura sa pagtuturo ng mga laro; dahil bukod sa laro, ito ay hinaluan ng mga pagsasanay at mga proseso sa pagkilos at hakbang sa bawat laro.



Halimbawa na lamang sa paglalaro ng Piko, bago pa man umpisahan ang paglalaro nito, ay itinuturo ang tamang pagbabalanse ng katawan, tamang katayuan at paghakbang, kasama ang pagyuko habang pinupulot ang pamato.  Gayun din sa mga ibang laro tulad ng Patintero at Tumbang Preso; ang tamang pagbabantay, pag-asinta, at pati tamang tiyempo at hakbang ay itinituro din.

At kung panunuorin, sadyang nakakamanghang makita ang mga kabataang sabay-sabay na nagsasagawa ng mga pagsasanay.  Ang mga palarong ito ay nilagyan din ng sistema ng Magna Kultura.  Sa Patintero at Tumbang Preso ay mayroong referee, may sinusunod na oras at patakaran katulad ng pagtawag ng “foul” at iba pa.  Kaya naman lalong naging mas kapanapanabik ang paglalaro.


Buhayin Ang Mga Laro Bilang Pambansang Palaro
Para sa Magna Kultura, ang kasalukuyang pagsasagawa ng laganap sa ‘sports clinc’ na may siyentipikong pagsasanay at paglagay ng sistema ay paghahanda sa mga kabataan at mga paaralan upang sa darating na taon, gagawin itong isang
Pambansang Palaro. Sa gayong paraan, ang mga batang nageensayo sa mga barangay at paaralan ay may maaasahang palaro na kanilang sasalihan.  Sa ganito ring paraan ay masisiguro natin na mananatiling buhay ang mga laro ng ating lahi.

Bakit Mahalaga Ang Mga Laro?
Ang mga laro ay mahalagang simbolo para sa maraming Pilipino. Ang mga katutubong laro ng
ating lahi aynagbibigay ng masayang alaala sa halos karamihan ng Pilipino, lalo na noong hindi pa uso ang mga modernong laruan.  Maraming kwento ang mga magkakaibigan tungkol sa mga laro.  Alaala nang sila ay naging “patotot”, kung sino ang madalas nagiging balagoong, at hanggang ngayon, kapag napaguusapan, masaya pa ring nagtutuksuhan ang mga magkakaibigan.  Sa pakikipaglaro sa kapit-bahayan nabubuo ang samahan at alaala ng magkababata.

Ginintuang alaala ang dala ng mga larong ito.  Ito ang nagbibigay buhay sa mga kumunidad. Ito rin ay isa sa mga nagbibigay lalim sa samahan ng mga magkababata.

Binubuhay Ang Damdaming Makabayan
Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nais buhayin ng Magna Kultura ang Larong Pinoy.  Nais natin ipadama sa mga bagong kabataan ang kasiyahang dulot ng mga masasayang larong ito.  Bukod pa rito ay nakikita ng Magna Kultura na ang pagpapakilala ng mga laro ay isa ring paraan upang ipamahagi sa mga kabataan ang pagmamahal sa sariling atin, na isa ring hakbang tungo sa pagiging makabayan.

Nagbibigay Buhay sa Pamilya
Bukod pa dito, ang Larong Pinoy ay nagsisilbi ring paraan sa paglalapit ng damdamin ng mga kabataan sa kanilang mga magulang at ninuno. Ang mga larong ito ay nagiging daan sa masayang kwentuhan ng pamilya sapagkat may isang aspeto sa kanilang buhay na nag uugnay sa kanila.


Nagbibigay Buhay sa Kapit-Bahayan
Ang isa pang maganda dito ay muling mabubuhay ang kapit-bahayan sa kasiyahan ng mga batang naglalaro.


Bukod sa bumubuo ito ng alaala para mga bagong magkababata, masaya rin naman itong mapapanood ng mga magulang at matatanda at tiyak na mabubuhay rin ang masasaya nilang alaala habang nakatanaw sila sa mga naglalaro.




Nagbibigay Talas sa Kaisipan at Lakas sa Katawan
Sadyang napakaraming maidudulot ang Larong Pinoy.  Masiglang nakakapag-ehersisyo ang mga bata sa labas, kaysa sa naka-upo lang sa loob ng bahay na nanonood ng telebisyon o maghapon sa computer.  Natuturuang maging maliksi ang kilos nila at nakakapagpatalas din ng isip ang karamihan ng mga laro.  

Sa gitna ng globalisasyon at modernong panahon na kung saa’y uso ang mga computer at ‘high tech’ na laruan, ang muling paglulunsad ng mga Larong Pinoy ay bukas-palad na tinatanggap ng karamihan ng mamamayan. Masaya ang mga magulang at nakatatanda dahil matututunan din ng mga kabataan ang laro ng ating lahi.

Halos lahat ng mga lugar na pinipiling paglulunsaran ng Larong Pinoy ay mga barangay o paaralan na kung saan ang nakararami ay mga walang kakayanang bumili ng ‘high tech’ na laruan, at ang tanging kinikilalang palaruan ay ang lansangan.  Larong-kalye kung tawagin din ito, ngunit para sa Magna Kultura, dito mas nababagay ang mga Larong Pinoy.  Sa kalye na mas maraming kabataang Pinoy ang masisilayan, sa kalye, kung saan ang mga karaniwang Pinoy ay nagkakadaupang-palad at nagkakaroon ng masayang samahan.

Larong kalye man kung tutuusin, ngunit mga larong naguugnay, nagbibigay ng matamis na halakhak, nagpapanumbalik ng mga magagandang alaala, at nagpapapukaw ng mga damdamin ng ating pagiging Pilipino!

Tara na! Makibahagi! Makisaya! Makigulo!
Mag Larong Pinoy Tayo!

ANG LARONG PINOY AY HATID SA MAMAMAYANG PILIPINO NG
MAGNA KULTURA FOUNDATION


Bisitahin ang Magna Kultura Homepage sahttp://magnakultura.multiply.com


….

.
 

Tags: , , , , , , , , , , , , , , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: